Saturday, December 12, 2009

Gutom Ako!

Kapag ako ay napupunta sa ibang bansa, ang lagi kong ginagawa ay nagpupunta ako sa mga maliliit ng kainan para subukan ang kanilang pagkain. Kaya heto ang limang paborito kong pagkain mula sa iba’t ibang bansa.

5. Kaw-kuk-kapi mula Thailand. Aminado ako na kritikal ako sa lutuing Thai. Sa tingin ko nga ay overrated ang Thai Cuisine. At nagtataka pa rin ako kung bakit kilalang-kilala ang pagkaing Thai samantalang walang masyadong kakaiba at “striking” sa pagkaing Thai. Bukod lang siguro sa sobrang anghang ang pagkain nila. Pero solve talaga ako sa Kaw-kuk-kapi. Ito ay kanin na hinaluan ng fish paste. Tapos, may karne, hilaw at tinadtad ng maliliit na gulay (sitaw, sibuyas, atbp.), kinayod na manggang hilaw. Pagkatapos, dapat ay paghahaluin lahat ito atsaka kakainin. Masarap talaga.

4. Baguette mula sa Laos. Ang Vietnam, Cambodia, Laos at iba pang bansa na nasakop ng Pransiya ay may kaniya-kaniyang bersiyon ng baguette. Natikman ko na ang baguette ng Vietnam, Cambodia at Laos. Lahat sila ay may pagkakaiba. Pero ang pinakamasarap para sa akin ay ang sa Laos. Bukod sa talagang malutong ang pagkakaluto ng tinapay ay may kakaibang sarap ang palaman na nilalagay nila sa gitna. Parang liver spread na iba ang lasa. Masarap!

3. Tikalok ng Cambodia. Heavenly! Ito ay iba’t ibang prutas (mga higit sa lima yata) na pinaghalohalo at nilagyan ng yelo, gatas at… itlog na hindi luto. Habang ninamannam ko ang sarap nito ay hindi ko maiaalis ang salitang “salmonella” sa aking isipan. Pero hindi ito napapatigil ang pagkagusto ko sa Tikalok. Minsan, gumawa ako ng tikalok sa bahay. Pero hindi ko pa rin makuha ang tamang lasa. Kaya balik ako sa paglabas para sa tikalok.

2. Bakuwa mula sa Singapore. Ooops! Siguro maraming magsasabi n ang chicken rice ng Singapore ay mas masarap kaysa Bakuwa. Pero subukan niyong pumunta sa Chinatown para subukan ang bakuwa nila. Ang sarap. Huwag kayong bibili sa NTUC. Well, masarap din ang sa NTUC… Pero mas masarap ang Bakuwa ng chinatown. Gusto niyong malaman saan sa chinatown? Punta lang kayo doon kapag chinese new year at hanapin ang pinakamahabang pila. Tiyak na tindahan iyon ng Bakuwa. Hindi ako nagbibiro. Pinipalahan talaga ang bakuwa ng chinatown.

At ang number 1?

1. Sinaing na tulingan ng San Juan, Batangas! Ang sarap! Ilang oras nilang niluluto ang tulingan na nakabalot sa dahon ng saging at nakalagay sa palayok sa mahinang apoy. Nilalagyan din nila ito ng pinatuyong kamyas. Ang sarap! Pati tinik ay nakakain dahil sa lambot!

No comments: