Monday, July 26, 2010
Labada
Kahapon
Ibinabad ko sa sabon
Ang t-shirt na bigay mo.
Umaasang maalis nito
Ang mga mantsang nanikit
Dahil sa ilang taong pasakit
Kagabi
Kinusot ko ito nang ilang beses
Hanggang maramdaman ko
Ang hapdi sa aking mga palad
Hindi ko ininda ang sakit
Kahit may mga dugo na
Ang mga sugat ko
Dahil umaasang maililigtas ko pa
Ang ating pagmamahalan
Kanina
Ikinula ko sa init ng araw
Umaasang muli kong mararamdaman
Ang init ng iyong pagmamahal
Kapag isinuot ko ulit
Ang bigay mong t-shirt
Ngayon
Nasa SM ako
Isinusukat ko ang matingkad na blusa
Ngayon ko lamang ulit napansin
Pagkaraan ng maraming taong kita’y kasama
Na bagay pala sa akin
Ang matingkad na blusa
Mamaya
Itatapon ko na ang t-shirt na bigay mo
Paalam, irog ko.
Saturday, March 27, 2010
Kaulayaw sa Karton at Kariton
Ang masangsang na amoy
Ng natuyong ihi sa gilid ng kariton
Humihiyaw
Ang karton
Na piping saksi sa nangyayari sa loob
Lumalangitngit
Ang mga pinagtagni-tagning tabla ng kariton
Na animo'y sumasabay sa sayaw
Sa bawat indak ng magsing-irog
Bumubulwak
Ang pinaghalong pawis at katas
Ng pinag-isang katawan
Sa ibabaw ng karton
Sa loob ng kariton
Ngunit ang masangsang na amoy,
Ang lumang karton,
Ang maingay na kahoy,
Ay hindi alintana
Ang mahalaga
Ang dalawang pusong pinag-isa
Sa ibabaw ng karton
Sa loob ng kariton
Sunday, November 9, 2008
Eh Ano Ngayon?
Sabi mo ayaw mo na sa akin.
Kasi mataba na ako.
Eh, ano ngayon?
Na-enjoy ko naman ang Hershey’s at Wall’s.
Sabi mo ayaw mo na sa akin.
Kasi hindi mo na ako masakyan.
Eh, ano ngayon?
Kaya ko namang magbiyaheng mag-isa.
Sabi mo ayaw mo na sa akin.
Kasi luma na ang estilo ko sa pagsulat ng tula.
Hindi na uso ang balagtasismo.
Malayang taludturan na ang gusto mo.
Eh, ano ngayon?
Nagsusulat naman ako para mailabas ko lang ang nararamdaman ko.
Sabi mo ayaw mo na sa akin.
Eh, ano ngayon?
Meron namang tula.
Para sabihin ko sa iyong…
Eh, mahal pa rin kita ngayon.
Galit Ako Sa Iyo
Di mo kasi ako pinapatulog
Laging ikaw ang laman ng isip ko
Kahit na pilit kong iwaksi sa aking isip
Ang bakas ng iyong mukha
Galit ako sa iyo
Kasi’y ginawa mo akong sinungaling
Sinabi ko kasi sa sarili
Na hindi na ako magmamahal pa
Ngunit bakit andali mong nakapasok
Sa tarangkahan ng buhay ko
Galit ako sa iyo
Dahil alam kong masasaktan lamang ako
Kagaya lamang ito nang aking mga nakaraan
Na walang patutunguhan
At kapararakan
Galit ako sa iyo
Dahil ginawa mo akong tanga
Umaasang may mapapala
Akala’y mayroong pag-asa
Sa kathang-isip na nobela
Galit ako sa iyo
Dahil ginawa mo akong duwag
Takot na sabihin sa iyo
Ang totoong nararamdaman ng puso
Galit ako sa iyo
Dahil ginawa mo akong mahina
Pinipilit kong magalit sa iyo
Pero di ko magawa
Kaya galit na ako sa sarili ko
